Parang idinulot ng salamangka ang ating pagtatagpo. Mula sa salasalabid na mga sinulid ng Web, ikinulong tayo ng YM sa isang silid na sinarili natin.
Sa lambong ng kawalang-pagkakakilanlan, naghingahan tayo ng mga tagong hinanakit at nagpatayugan tayo ng hugis sa ating mga dakilang pangarap. Sa proseso’y patuloy tayong naghabi ng mga titik na naging mga salita’t mga pangugusap na sapat upang tayo’y magpatuloy.
At ang mga titik ay naging tinig—matamis na tinig na aking kinasanayan at inasam-asam sa bawat kiriring ng munti kong telepono. Naging oyayi para sa akin sa pagdatal ng madaling araw ang mga awit mong pilit. Sa gitna ng patuloy na palitan ng mga kuwento ng kasayahan at kasiphayuan at sa pagitan ng mga hikbi’t halakhak, lalong umunlad ang musika ng ating elektronikong pagkakaibigan.
At ang tinig ay nagkaroon ng mukha.
Nagdadala ng pagkabagabag ang iyong presensya. Pakiramdam ko, malapit mo nang sakupin pati ang daigdig ng aking mga panaginip na naka-encode sa HTML format, ngunit tila sigaw na nagtataboy ng antok ang iyong mga bulong.
Nahuhulog na yata ako. Ngunit natatakot akong bumagsak sa Net na puno ng sapot ng kabiguan, sapagkat ang salamangka ay maaring mawala sa isang iglap lamang. Natatakot akong sa aking pagkahulog ay wala ka at magigisng na lamang akong nag iisa lamang pala akong nangarap na mahulog sa inaakala kong kaygandang panaginip.. oo panaginip lamang marahil..
Bagamat pansamantalang pinagsanib ng Web ang magkaiba nating daigdig, dagliang itong nagwakas sa sandaling tayo’y ma-disconnect. Oo nga’t pinagdugtong ng mga kawad ng telepono ang ating mga tinig, ang ugnaya’y agad ring napapatid sa sandaling ibaba natin ang awditibo ng telepono. At naging parmanente ang ating mga pansamantalang “Good bye”.
Naging ilusyon maging ang aktwal na pagsasama sapagkat ang ating diwa’y hindi nagkakasalubong. Lalong pinatitindi ng realidad ang distansyang namamagitan at nang mga damdaming walang kasiguraduhan.
Inakala kong may patutunguhan ang virtual nating pagkakaibigan. Akala ko, ang bawat hello, ang bawat awit, ang bawat hagikhik ay pwede kong i-download at i-save sa server ng aking puso.
Ngunit hindi at hindi maaari.
Oo nahulog na ko. At nangyari ang kinatatakutan kong pagbagsak sa Net na puno ng sapot ng kabiguan.
Magdi-disconnect na ba ko?=(